--Ads--

CAUAYAN CITY – Nadagdagan pa ang bilang ng nakuhang medalya ng mga batang atleta na delegado ng Cauayan City sa Batang Pinoy 2023.

Nakakuha ng dalawang pilak na medalya ang mga pambato ng Cauayan City sa larong Archery na dumagdag sa walong medalya na nasungkit ng mga atleta.

Sa ngayon ay may apat na gold, tatlong silver at isang bronze ang Team Cauayan City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jonathan Medrano, Sports Development Officer ng Cauayan City delegates, sinabi niya na nagmintis ang kanyang anak na si Jethro sa huling arrow nito kaya Pilak lamang ang nakuhang medalya.

--Ads--

Aniya magagaling ang mga manlalarong kalahok kaya pahirapan ang pagkamit ng gintong medalya kung saan ang isa sa mga ito ay kabilang na sa Philippine Team.

Sa dami ng kalahok ay inabot na ng buong araw ang kompetisyon para sa Archery lamang dahil sa mga delay.

Isa aniya sa naging pagsubok sa kanila ang kawalan ng sapat na training, equipment at exposure na rin ng mga manlalaro dahil karamihan sa mga sumasali sa Batang Pinoy ay mga lagi nang sumasali sa ganito kalawak na kompetisyon.

Ayon kay Ginoong Medrano nasa 120 lamang na atleta ang naipadala ng delegasyon sa Isabela kumpara sa libong atleta ng ibang lugar.

Bagamat may pagkukulang ay buo ang puso ng mga batang atleta na lumahok at ipinakita ang angking talento sa sports.

Makakatulong aniya ang karanasan ng mga atleta sa Batang Pinoy 2023 na mahubog pa at lalo pa nilang pag igihan para sa mga susunod nilang sasalihan na kompetisyon.

Umaasa naman si Ginoong Medrano na mapagtutuunan na ng pansin ang mga pagsasanay sa mga atleta sa lunsod upang makalahok sa Batang Pinoy sa susunod na taon at mas mahigitan ang nakamit na medalya.

Aniya naging boluntaryo na lamang ang pagsali ng mga atleta ngayon sa Cauayan City at hindi niya malaman kung naging puspusan ang pagsasanay ng mga atleta dahil nasa baryo ang mga ito sa kanilang paghahanda.