--Ads--

Nagulantang ang isang babae matapos madiskubre ang isang bagong silang na sanggol na iniwan sa palikuran sa Brgy. Antutot, Kasibu, Nueva Vizcaya nitong tanghali ng Linggo, Abril 5.

Agad niyang ipinaalam ang insidente sa mga barangay officials at pulis na malapit sa lugar.

Ayon sa imbestigasyon ng Kasibu PNP, natagpuan ang sanggol sa palikuran ng isang sari-sari store, kung saan gagamit sana ang isang customer. Napansin ang mga bakas ng dugo at sariwang pusod, na nagpapatunay na bagong panganak ang bata.

Ayon kay PCapt. Lloyd Guillermo, Hepe ng Kasibu PNP, nakabalot ng black na girdle ang leeg at bibig ng bata upang hindi marinig ang pag-iyak nito.

Agad na dinala ang sanggol sa ospital sa tulong ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO). Samantala, maayos naman ang kalagayan ng bata at pansamantalang aalagaan ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) Kasibu.

--Ads--

Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya kung sino ang ina ng sanggol. Hinihikayat ang magulang na lumapit sa pulisya o sa MSWDO Kasibu kung nais muling makasama ang bata at makakuha ng tulong.