Isang malaking karangalan at tagumpay ang nakamit ng isang batang atleta mula sa Nueva Vizcaya matapos makapasok sa Palarong Pambansa sa kabila ng pagiging first-time participant sa CAVRAA.
Nakamit ni Leira Mae Mundo, isang Grade 6 student mula sa Schools Division Office ng Nueva Vizcaya, ang pwesto para sa prestihiyosong Palarong Pambansa matapos ang kanyang kahanga-hangang performance sa CAVRAA.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kina Ginang Mylene Veloso at Joyce Yee, assistant coaches ni Mundo, labis ang kanilang kasiyahan at pagmamalaki sa naturang tagumpay. Aniya, hindi nila inaasahan na agad itong makakapasok sa pambansang kompetisyon sa kanyang unang sali pa lamang, ngunit bunga ito ng sipag, determinasyon, at dedikasyon ng batang atleta.
Dahil dito, nakatakda nang sumailalim si Mundo sa tuloy-tuloy at mas pinaigting na training bilang paghahanda sa nalalapit na Palarong Pambansa, kung saan mas mataas na antas ng kompetisyon ang kanyang haharapin.
Tiniyak naman ng kanyang mga coach na ibibigay nila ang buong suporta at gabay upang mas mahasa pa ang kakayahan ni Mundo at makapag-uwi ng karangalan para sa kanilang lalawigan.










