
CAUAYAN CITY – Walang naging epekto ang Bagyong Dodong sa mga pananim at kabahayan sa Dinapigue Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Assistant Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office Officer Mark Ian Churawan ng Dinapigue Isabela, sinabi niya na hindi kalakasan ang pag ulang dala ng bagyo at tanging ang karagatan lamang ang nagkaroon ng pagbabago tulad ng pagtaas ng lebel.
Aniya agad nilang kinausap ang mga residenteng mangingisda upang hindi na sila pumalaot pa dahil kapag isinailalim na sa signal no. 1 ay otomatiko nang ipinagbabawal ang paglalayag sa dagat.
May group chat na aniya ang MDRRMO at mga mangingisda upang mabilis ang komunikasyon tuwing may mga advisory ang PAGASA sa sitwasyon ng dagat.
Bagamat moderate ang sitwasyon ng karagatan ay hindi pa rin pinayagan ang mga mangingisdang pumalaot dahil maaaring sa gitna ng karagatan ay moderate to rough na ang sitwasyon ng mga alon.
Noong low pressure area pa lamang ang nasabing bagyo ay mas naramdaman pa nila ang mga malalakas na pag ulan kaysa noong ito ay isa nang ganap na bagyo.
Napakalaking tulong naman aniya ang mga pag ulang dala ng bagyo upang makarekober ang mga pananim ng mga magsasaka.
Tiniyak naman niya ang kahandaan ng mga kanilang tanggapan maging ng iba pang ahensya ng pamahalaan sa mga ganitong pagkakataon.










