
CAUAYAN CITY – Hindi pa maituturing na alarming ang bahagyang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa ilang lugar sa bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Professor Dr. Guido David, miyembro ng Octa Research Group na hindi pa naman alarming dahil kahit may bahagyang pagtaas ang mga kaso ng COVID-19 sa ilang lugar sa bansa ay hindi naman ito consistent.
Kabilang sa mga lugar na ito ang National Capital Region, Cagayan, Western Visayas, Tarlac, CALABARZON, Palawan at Agusan del Norte.
Sa NCR aniya ay tumaas ng 19% mula sa 70 average hanggang 80 sa loob ng isang linggo.
Ang reproduction number sa NCR ay tumaas ng 21.24.
Aniya, mahigpit itong minomonitor ng Octa Research Group kaya payo nila sa publiko na mag-ingat pa rin at sumunod sa mga health protocols.
Ayon kay Dr. David, ang nakikitang rason ng bahagyang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa mga naturang lugar ay ang mga panibagong subvariant tulad ng BA.4 at BA.5 gayundin na nagiging kampante na ang mga tao at ang immunity nila ay maaring humihina na.
Sa kabila naman nito ay masyado pang maaga para magpatupad ng lockdown dahil nasa low risk pa rin ang bansa.
Hindi naman nila inaalis ang posibilidad na magkaroon ng surge pero maaring hindi na gaya noong Enero batay sa monitoring nila sa ibang bansa.
Samantala, nakadepende sa incoming administration kung tatanggalin na ang state of emergency na umiiral sa bansa dahil sa COVID-19 pandemic.
Bukod dito ay depende rin sa sasabihin ng World Health Organization o WHO kung tapos na ang pandemya.
Gayunman para kay Dr. David, kung walang pagtaas ng kaso ay posible ring tanggalin na ang state of emergency pero dapat pa ring tingnan ang mga nangyayari sa ibang bansa.
Ang alert level system naman ay mahalaga pa rin para mamonitor ang mga panibagong subvariants subalit kung wala namang nakikitang pagtaas ng kaso ay baka maaring tanggalin na.
Batay aniya sa survey na ginawa ng Octa Research Group, 60% ng mga Filipino ang nagsusuot pa rin ng facemask kahit wala ng alert level system at malaking bagay ito para maiwasan ang COVID-19.










