Nanatiling mapayapa ang sitwasyon sa bayan ng Benito Soliven, Isabela sa kabila ng pagpapadala ng ilang pulis para sa augmentation ng Police Regional Office 2 (PRO2) kaugnay ng nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bukas, Hulyo 27.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Ronnie Heraña, Chief of Police ng Benito Soliven Police Station, sinabi niyang sapat pa rin ang bilang ng mga pulis na naiwan sa kanilang himpilan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa kanilang nasasakupan.
Ayon kay Heraña, kabilang sa mga pangunahing insidenteng kanilang mino-monitor ay ang mga minor vehicular accident sa iba’t ibang bahagi ng bayan, na kadalasan aniyang dulot ng pagmamaneho habang nasa impluwensya ng alak. Dahil dito, muli niyang pinaalalahanan ang publiko na huwag magmaneho kapag nakainom ng nakalalasing na inumin.
Patuloy rin aniyang nagsasagawa ng operasyon ang kanilang himpilan laban sa mga wanted person. Kamakailan lamang ay naaresto nila ang isang suspek na wanted sa kasong rape sa Anda, Pangasinan at naibalik na sa naturang lalawigan.
Samantala, sinabi ni Heraña na papalapit na ang Benito Soliven sa pagiging ganap na drug-free municipality. Aniya, kapwa kinilala bilang drug-free workplace ang kanilang himpilan at ang lokal na pamahalaan, habang inaasahan sa Agosto 3 ang retention ng drug-free at drug-cleared status ng lahat ng 29 barangay sa bayan.
Dagdag pa niya, wala silang namo-monitor na gumagamit o nagbebenta ng iligal na droga sa kanilang nasasakupan at patuloy silang nagsasagawa ng mga lecture at symposium sa mga paaralan bilang bahagi ng kanilang kampanya kontra droga.
Bukod dito, tuloy-tuloy rin ang kanilang anti-criminality operations, checkpoints, at Oplan Sita, habang nakikipagtulungan sa LGU Benito Soliven para sa pagtatayo ng command center at paglalagay ng mga CCTV camera sa iba’t ibang bahagi ng bayan upang higit pang mapalakas ang seguridad ng komunidad.











