CAUAYAN CITY – Tiniyak ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR na sapat ang supply ng bangus sa bansa sa kabila ng naitalang fish kill sa Bulacan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Regional Director at bangus focal person WILFREDO CRUZ ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na nagkaroon ng fish kill sa Bulacan dalawang araw na ang nakakaraan at umabot sa 262 metric tons ang namatay.
Nagkakahalaga ito ng 30 milyon pesos na maituturing na nilang alarming dahil medyo malaki ang halaga ng mga namatay na isda.
Umaasa naman sila na hindi na ito masusundan pa gayunman kung lalo pang titindi ang init ng panahon ay hindi malabong magkaroon muli ng fish kill sa ilang lugar.
Sa kabila nito ay tiniyak niya na sapat ang supply ng isda sa bansa sa susunod na tatlong buwan dahil batay sa kanilang monitoring ay marami pa ang isda sa mga palaisdaan.
Ayon kay Regional Director CRUZ, ang fish kill ay dala ng mainit na panahon at kapag umiinit ang panahon ay kasabay din nito ang pagbaba ng dissolved oxygen kaya nahihirapan ang mga isda.
Para mapigilan ang fish kill ay pinapayuhan ang mga bangus producers na mag-early harvest na kung malalaki na ang mga isda para hindi na abutan ng mas matinding init ng panahon.
Dapat ay palagian din ang pagpapalit ng tubig para hindi gaanong tumaas ang temperatura at kung mag-stock naman ay katamtaman lang dahil kung marami ang nag-aagawan sa oxygen ay nagbubunga ito ng fish kill.











