
CAUAYAN CITY – Patuloy ang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) Cauayan City para malaman ang tunay na dahilan ng pagkasunog kagabi ng isang gusali na katabi ng Jollibee sa District 3, Cauayan City.
May narinig na putok bago sumiklab ang sunog sa nasabing gusali sa poblacion ng Cauayan City.
Nangungupahan sa gusali ang may-ari ng mga bahay kalakal na Arman’s Lechon Manok, isang computer shop, beauty salon Republic at KND Japan surplus.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Paolo Felipe, residente ng District 1, isa sa mga nakasaksi sa nangyaring sunog, sinabi niya na bago ang sunog ay nakarinig sila ng isang putok na sinundan ng paglabas ng usok sa bubungan ng KNB Japan surplus at pagsiklab ng malaking apoy.
Aniya ang lechonan ng manok na lamang ang bukas dahil sarado na ang katabing bahay kalakal.
Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Rodrigo Dulce, ang ama ng may-ari ng KNB Japan Surplus na alas sais pa lamang ng gabi ay sarado na ang kanilang negosyo kaya hindi palaispan sa kanila kung ano ang sanhi ng sunog.
Aniya, pinapatay nila ang koneksyon sa kuryente kapag nagsara at walang naiiwang tao sa loob ng kanilang puwesto.
Aniya, mga Japan surplus tulad ng mga cabinet at mga scrap ng sirang computer ang nasa loob ng kanilang puwesto.
Sa pagtaya ni Ginoong Dulce nasa isang 1 million pesos ang halaga ng mga nasunog dahil maraming computer ang nasa loob ng gusali.
Dahil sa pagtutulungan ng mga bumbero ng mga fire stations mula sa iba’t ibang bayan sa pangunguna ng BFP Cauayan Cty ay hindi na kumalat ang apoy at walang nadamay na katabing gusali ng nasunog na building.










