Maaaring magpasikip muli ng sinturon sa mga motorista ang nakaambang taas presyo ng produktong petrolyo bukas, Hulyo 21.
Batay sa galaw ng pandaigdigang merkado ng langis, inaasahang tataas ang presyo ng diesel ng P10 hanggang P11 kada litro; gasolina ng P3 hanggang P4 kada litro, at kerosene ng P11 hanggang P12 kada litro.
Iniuugnay ang inaasahang oil price hike sa nagpapatuloy na tensiyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.
Dahil dito naobserbahan nitong araw ng Linggo ang mga motorista sa mga gasolinahan sa Quezon City ang nagpakarga na ng kanilang gasolina at diesel bago ang inaasahang malaking dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo bukas.
Pipiliin na lang daw muna ng ilang mga motorisa na mag-mag-commute sa halip na gamitin ang kanilang sasakyan dahil halos dumoble na ang halaga ng pagpapa-full tank nila.
Hindi lamang mga motorista ang maaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng langis kung saan apektado rin pati ang transportasyon ng mga gulay sa ilang malalaking palengke sa Metro Manila.
Dahilan upang mapilitan silang magdagdag sa presyo ng kanilang mga paninda upang mabawi ang dagdag gastos.
Bagama’t sinabi ng Department of Trade and Industry (DTI) na hindi pa inaasahang tataas agad ang presyo ng mga pangunahing bilihin dahil wala pa raw na manufacturer na naghahain ng price adjustment para sa mga pangunahing produkto.
Inaasahang i-aanunsyo ng Department of Energy (DOE) ang opisyal na fuel price adjustment sa mga susunod na araw habang nananatiling nasa ilalim ng state of national energy emergency ang bansa.











