Kasalukuyang sinisiyasat ng National Bureau of Investigation (NBI) ang bilyon-bilyong pisong pondo na hindi pa nali-liquidate mula sa mga proyektong itinayo para sa pagho-host ng bansa sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, Naispatan nila ang pasilidad nang bumisita sila sa New Clark City sa Tarlac para sa planong 70-ektaryang NBI Academy, kung saan nakarating sa kanilang kaalaman ang usapin ukol sa malaking halaga ng unliquidated na pondo sa nasabing sports complex.
Tutok din ang ahensya sa mga ulat na isang pribadong kumpanya ang nakakuha ng humigit-kumulang P10 bilyon para sa proyekto, na dumaan diumano sa mga congressional insertion sa General Appropriations Act (GAA). Inihayag ni Matibag na ituturing na isang malaking kaso ang usaping ito.
Ang kontrobersyal na sports complex ay naglalaman ng athletics stadium na may 20,000 upuan, isang aquatics center para sa 2,000 katao, at isang athletes’ village. Bukod dito, binalak din ng NBI na suriing muli ang isyu sa milyong pisong halaga ng SEA Games cauldron, bagaman binigyang-diin ng opisyal na hiwalay ito sa ginagawang pagsisiyasat sa mga pasilidad sa New Clark City.
Sa kabilang banda, nagpahayag naman ng kahandaan si Senador Alan Peter Cayetano, na siyang namuno noon sa Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC), sa anumang imbestigasyon at mariing itinanggi ang mga paratang ng anomalya sa pagpapatakbo ng palaro noong 2019.











