--Ads--

CAUAYAN CITY-  Sugatan ang isang binata matapos siyang makuryente habang umaakyat sa puno ng mangga.

Ang biktima ay si Carlo Pauig na residente ng Barangay District 1, Cauayan City.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Cauayan sa biktima sinabi niya na hanapbuhay niya ang pagpuputol ng sanga ng puno.

Aniya kada dalawang puno na kaniyang malilinisan ay kumikita siya ng 1,500 pesos.

--Ads--

Bago ang insidente ay inalok nila ang isang residente sa Barangay  San Fermin na linisin ang sanga ng  puno ng mangga  kapalit ng 1,500 pesos.

Nang magkasundo ay agad nilang inakyat ang puno at habang kasalukuyan nilang pinuputol ang mga sanga ay nakaramdam ang kasama niya na tila kumukuryente o ground kaya agad itong nakatalon habang siya ay nagpapatuloy sa pagpuputol ng sanga nang aksidente niyang nahawakan ang puno at nakuryente.

Hinala niya na isang dahon ang dumikit sa live wire na naging sanhi ng kaniyang pagkakakuryente na nag resulta para siya ay mahulog sa puno ng mangga.

Nagtamo siya ng sugat sa kaniyang paa at kamay subalit mas iniinda niya ang kaniyang likod dahil sa pagkakahulog.