--Ads--

Nasunog ang isang boarding house sa Barangay San Fermin, Cauayan City, Isabela na matatagpuan sa tapat ng Our Lady of the Pillar College – Cauayan bandang alas 6:00 ng gabi, Mayo 9.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jonalyn Alipao, second year nursing student at residente ng District 3, San Manuel, sinabi nito na nagpapahinga na siya sa loob ng kanyang silid nang mapansin niya ang kakaibang liwanag at makarinig ng kalabog mula sa bahagi ng boarding house.

Ayon kay Alipao, dakong alas-6:10 ng gabi nang una niyang mapansin ang sunog sa may labas ng comfort room kung saan may tambakan umano ng mga upuan at iba pang kagamitan.

Aniya, paglabas niya ng silid ay mabilis nang kumalat ang apoy dahilan upang hindi na nila maisalba ang kanilang mga gamit.

--Ads--

Sinabi pa nito na nagtangka pa siyang bumalik sa loob ng boarding house dakong alas-6:12 ng gabi upang kunin ang ilan niyang mahahalagang gamit ngunit hindi na siya pinayagan ng mgatumulong sa kanya dahil lumalakas na ang apoy.

Dahil gawa sa light materials ang boarding house, mabilis na nilamon ng apoy ang buong istruktura sa loob lamang ng ilang minuto.

Kabilang sa mga natupok sa sunog ang laptop, cellphone, perang nakalaan sana para sa kanyang tuition, mga uniform, kagamitan nila bilang nursing students at mahahalagang dokumento ng mga estudyante.

Sa ngayon ay nananawagan ng tulong ang mga naapektuhang estudyante para makapagsimulang muli matapos ang insidente. Sa mga nais tumulong ay maaaring magpadala ng tulong pinansyal sa pamamagitan ng GCash account na nakapangalan kay Michaela Santiago sa numerong 09976434577.