Isang bus driver sa Kyoto, Japan ang hindi matatanggap ang kanyang retirement bonus na 12-million-yen (4.8 million pesos) dahil nahuli siyang nagbulsa ng 1000-yen (400 pesos) na pamasahe.
Sa isang regular inspection ng dashcam ng mga bus sa lungsod ng Kyoto noong February 2022, napansin ng mga opisyal ang hindi inaasahang kilos ng isang 58-anyos na driver: imbes na ihulog sa fare machine ang 1,000 yen na bayad ng isa sa mga pasahero, pasimple niya itong isinuksok sa bulsa ng kanyang uniporme.
Agad siyang sinibak sa serbisyo at nawalan ng taishokukin—isang lump-sum retirement benefit na ibinibigay sa mga empleyado sa Japan matapos ang mahabang taon ng serbisyo.
Sa kaso ng driver, umabot ito ng 12 million yen o halos 4.8 milyon pesos. Hindi tinanggap ng dating driver ang kaparusahan sa kanya. Kinasuhan niya ang lungsod ng Kyoto at iginiit na labis ang parusa para sa maliit na halagang kanyang kinuha, lalo’t naibalik na niya ang pera.
Noong 2024, pansamantalang pumabor sa kanya ang Osaka High Court, at sinabing karapat-dapat pa rin siya sa kanyang retirement bonus. Ngunit hindi dito nagtapos ang laban. Umakyat ang kaso sa Korte Suprema ng Japan, at nitong Abril, ibinasura ng limang mahistrado ang ruling ng mas mababang hukuman.
Ayon sa kanila, ang pagbulsa ng pera mula sa publikong pondo ay isang “seryosong misconduct” na sumira sa tiwala ng mamamayan sa sistemang pampasahero ng Kyoto.
Sa huli, hindi lamang retirement bonus ang nawala sa bus driver, kasama na rin dito ang tatlong taong legal fees na tiyak na mabigat sa bulsa.