
CAUAYAN CITY – Isinailalim sa calibrated lockdown ang ilang bahagi ng barangay Bantug-Petines, Alicia, Isabela para sa contact tracing dahil sa magkakamag-anak na COVID-19 positive.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Joel Amos Alejandro, sinabi niya na layunin ng calibrated lockdown na makontrol ang paglabas ng mga tao at maprotektahan ang mga residente ng barangay.
Sinabi ng punong bayan na hindi sana ipatupad ang lockdown dahil hindi na nakarating sa barangay Bantug-Petines si CV136 matapos maharang sa Victoria, Alicia, Isabela.
Gayunman ay nagpositibo sa virus ang kanyang mister at anak dahil nagkaroon sila ng contact sa kanya.
Ayon kay Mayor Alejandro, nakauwi sa naturang barangay ang mag-ama at may mga nakasalamuha sila na kanilang kabarangay.
Bukod sa pagpapatupad ng calibrated lockdown ay isasara rin ang ilang establisyemento sa naturang barangay.
Magtatagal ito ng pitong araw at tiniyak ni Mayor Alejandro ang ayuda sa mga apektadong mamamayan.