--Ads--

CAUAYAN CITY- Nasawi ang isang caretaker ng lupa matapos barilin ng nakaalitan sa P7 Ambatali, Ramon, Isabela.

Ang pinaghihinalaan ay si Alias “Domeng”, negosyante at residente ng nabanggit na lugar habang ang biktima naman ay si alias “Natan”, caretaker at residente ng Tabuk City, Kalinga.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Fernando Mallillin, Hepe ng Ramon Police Station, sinabi niya na bago ang insidente ay nag-inuman ang suspek kasama ang kaniyang tatlong kaibigan sa harap ng kanilang bahay.

Makalipas ang ilang sandali ay bigla umanong lumapit sa kanila ang biktima na may dalang gulok at sinigawan ang mga nag-iinuman at kinuwestiyon kung bakit sila umiinom sa lugar.

--Ads--

Sinipa umano nito ang lamesa ng mga nag-iinuman at nagsimulang atakehin ang mga umiinom gamit ang kaniyang gulok.

Nataranta umano ang suspek at pumasok sa kanilang bahay at kinuha ang kaniyang baril. Paglabas nito sa bahay ay nakita nito na inambahan ng biktima ang kaniyang asawa ng gulok dahilan kaya’t binaril niya ito na naging sanhi ng kaniyang pagkasawi.

Lisensyado naman ang ginamit na calibre 40 ng suspek ngunit lumabag pa rin ito sa Election Gun ban.

Ayon kay PMaj. Mallillin, dati nang may alitan sa lupa ang mga sangkot dahil nakatira umano ang suspek sa lugar na bahagi ng binabantayang lupa ng biktima.

Hindi naman ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng pag-aaway sa pagitan ng mga sangkot dahil nag-usap na sila dati sa himpilan ng pulisya at nagkaayos.