Nagpahayag ng suporta ang mga miyembro ng Caritas Philippines Social Action Network sa panawagan ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) President Gilbert Garcera na agad ituloy ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa isang pahayag nitong Linggo, Mayo 17, hinimok ng grupo ang Senado na gampanan ang mandato nito sa ilalim ng Konstitusyon at simulan ang impeachment trial sa lalong madaling panahon, bilang bahagi ng pagsunod sa rule of law at pagsusulong ng kabutihang panlahat.
Ayon sa Caritas Philippines, ang anumang pagkaantala sa paglilitis ay maaari ring magpabagal sa pag-abot ng hustisya para sa publiko at maging para sa Bise Presidente.
Nanawagan din ang grupo sa publiko na makiisa sa isang patas at kapani-paniwalang proseso ng paglilitis, kung saan malinaw na maipapakita at masusuri ang mga ebidensya at argumento ng magkabilang panig. Hinikayat din nila ang mamamayan na manatiling mapagmatyag sa mga susunod na hakbang ng proseso.
Inanyayahan din nila ang publiko, anuman ang relihiyon o kinabibilangang simbahan, na magsagawa ng mga aktibidad bilang pagpapakita ng suporta sa maayos na takbo ng impeachment proceedings.
Ayon sa grupo, ipinapakita ng mga kamakailang kaganapan sa Senado ang kahalagahan ng mapayapang pagkilos at pagiging mapagbantay sa pagprotekta sa mga demokratikong institusyon at sa rule of law.
Binigyang-diin din nila ang panawagan na iwasan ang pagkakawatak-watak, panlilinlang, poot, at kawalang-pakialam, at sa halip ay maging isang sambayanang ginagabayan ng katotohanan, konsensya, at pagmamahal sa Diyos at bayan.
Kabilang sa mga lumagda sa pahayag sina Caritas Philippines President at San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, kasama ang iba pang obispo at social action directors mula sa iba’t ibang diyosesis sa bansa.











