--Ads--

Umabot sa rekord na $3.522 bilyon ang cash remittances ng mga overseas Filipino noong December 2025, ayon sa datos na inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

Mas mataas ito ng 4.2% kumpara sa $3.380 bilyon noong December 2024 at mas malaki rin kaysa sa $2.910 bilyon noong nakaraang buwan. Sa kabuuan, pumalo sa all-time high na $35.634 bilyon ang year-to-date cash remittances para sa 2025, mas mataas ng 3.3% kumpara sa $34.493 bilyon noong 2024.

Sa naturang buwan, nagpadala ang mga land-based worker ng $2.83 bilyon habang $690 milyon naman mula sa sea-based workers. Nanatiling pangunahing pinanggagalingan ng remittances ang Estados Unidos na may 39.7%, sinundan ng Singapore, Saudi Arabia, Japan, United Kingdom at United Arab Emirates.

Samantala, tumaas din sa rekord na $3.892 bilyon ang personal remittances noong Disyembre, na nagdala sa kabuuang $36.619 bilyon para sa buong taon, mas mataas ng 3.3% kumpara noong nakaraang taon.

--Ads--