--Ads--

Ipinaliwanag ng Malacañang na ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at iba pang “overlapping factors” mula sa pandaigdigang ekonomiya ang pangunahing dahilan ng pagbagsak ng halaga ng piso laban sa dolyar, na umabot sa panibagong record low.

Ayon sa Bankers Association of the Philippines, bumagsak ang piso sa ₱61.567 noong Abril 29 sa pagtatapos ng kalakalan, habang nitong Huwebes ay nagsara ito sa ₱61.485 ngunit umabot sa intraday all-time low na ₱61.75.

Ayon kay Department of Economy, Planning and Development (DEPDev) Secretary Arsenio Balisacan malaki ang epekto ng “unusually strong US dollar” na humihigop ng kapital patungo sa mga US assets at lumalayo sa mga emerging markets gaya ng Pilipinas.

Dagdag pa rito, ang biglaang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado at ang mataas na pag-asa ng bansa sa imported fuel ay nagpapataas ng demand para sa dolyar, na nagdudulot ng mas malalaking trade at current account deficits at nagpapahina sa piso.

--Ads--

Ayon sa DEPDev, ang patuloy na paglakas ng dolyar ay mas mabilis kaysa sa supply ng foreign exchange sa bansa, kaya’t bumababa ang halaga ng piso.

Tiniyak naman ng Malacañang na may sapat na “ammunition” ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) upang mapanatili ang katatagan ng piso at maiwasan ang labis na paggalaw nito sa merkado.