Ipinatawag ni Cauayan City Mayor Ceasar “JC” Dy Jr. ang mga magulang ng ilang estudyanteng nagreklamo kaugnay sa umano’y maling pagpapalabas ng impormasyon hinggil sa kanselasyon ng klase.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Dy, ipinaalala niya sa mga magulang na hindi nararapat na basta na lamang hindi papasukin ang kanilang mga anak kung wala pang opisyal na abiso ng suspensyon, dahil may sinusunod na memorandum ang Department of Education o DepEd kaugnay sa kanselasyon ng klase.
Sinabi ng alkalde na nakabatay ang desisyon ng lokal na pamahalaan sa mga weather update ng PAGASA, kabilang ang mga inilalabas na bulletin alas-11 ng gabi at alas-5 ng umaga.
Gayunman, maaari pa ring magpatupad ng suspensyon ang lokal na pamahalaan kung biglang lumala ang kondisyon ng panahon, partikular kung nagbabanta ang pagbaha, pagtaas ng tubig sa ilog o patuloy na malakas na pag-ulan na maaaring magdulot ng panganib sa mga estudyante at residente.
Samantala, sinabi ni Mayor Dy na isa sa mga magulang na tumawag ay humingi ng paumanhin matapos mapagsabihan kaugnay sa isyu.
Matatandaang naging mainit ang usapin sa social media matapos kwestyunin ng ilang estudyante at magulang ang hindi agad na pagsususpinde ng klase sa kabila ng malakas na pag-ulan dulot ng bagyo. May ilan ding mensaheng ipinadala sa alkalde na umano’y naglalaman ng mapanlait at hindi magalang na pananalita.











