--Ads--

Pinag-aaralan ng pamahalaang panlungsod ng Cauayan ang pagbabawal sa pagpaparada ng mga truck sa gilid ng mga national road, partikular sa gabi, upang maiwasan ang mga aksidente.

Tinalakay ito sa isinagawang committee hearing ng Sangguniang Panlungsod ngayong araw matapos ang mga insidenteng kinasasangkutan ng mga truck na nakaparada sa gilid ng kalsada.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Panlungsod Member Miko Delmendo, sinabi niyang isa sa mga naging batayan ng pagdinig ang aksidenteng naganap sa Barangay Minante 2, Cauayan City noong Agosto 9, kung saan dalawang indibidwal ang nasawi at isa ang nasugatan matapos sumalpok ang kanilang sasakyan sa nakaparadang truck sa gilid ng national highway.

Hindi lamang aniya ang naturang insidente ang kanilang pinagbatayan dahil mayroon ding iba pang mga aksidenteng naitala na kinasasangkutan ng mga truck na nakaparada sa gilid ng kalsada.

--Ads--

Iminungkahi sa committee hearing na magtalaga ng mga lugar kung saan maaaring magparada ang mga truck driver, sa halip na iparada ang kanilang mga sasakyan sa gilid ng highway.

Isinasaalang-alang din umano ang humanitarian reason para sa mga driver na inaabot ng antok habang bumibiyahe. Dahil dito, pinag-aaralan ang posibilidad na gamitin pansamantala ang ilang bypass road na ginagawa pa lamang o hindi pa ganap na bukas sa publiko bilang lugar na maaaring paghintuan ng mga truck driver upang makapagpahinga.

Nakipag-ugnayan din ang pamahalaang panlungsod sa Department of Public Works and Highways (DPWH), Highway Patrol Group (HPG), Philippine National Police (PNP) at Public Order and Safety Division (POSD) para sa mas maayos na pagpapatupad ng mga hakbang.

Samantala, napag-usapan din ang mas mahigpit na sanction laban sa mga lalabag. Kabilang sa mungkahi ang agarang towing ng mga truck na mapapatunayang iligal na nakaparada, kahit sa unang paglabag, nang walang ibibigay na warning.

Layunin ng mga hakbang na maiwasan ang mga nakaparadang truck na nagiging panganib sa mga motorista, lalo na sa gabi at sa mga bahagi ng national highway na limitado ang visibility.