--Ads--

Naghain ang China ng diplomatic protest laban sa Pilipinas kasunod ng komprontasyon sa Ayungin Shoal noong Hulyo 20.

Sa regular na press briefing ng Chinese Foreign Ministry, sinabi ni Foreign Ministry spokesperson Lin Jian na pormal nilang inihain ang protesta sa Philippine ambassador sa Beijing.

Iginiit ni Lin na nagsasagawa lamang umano ng “routine law enforcement activity” ang China Coast Guard sa paligid ng Ayungin Shoal nang lumapit at bumangga umano ang dalawang bangka mula sa BRP Sierra Madre sa isa sa kanilang mga sasakyang pandagat.

Inakusahan din ng China ang mga tauhan ng Pilipinas na marahas na umatake sa mga personnel ng China Coast Guard, dahilan upang tumugon umano ang mga ito sa paraang “matatag ngunit naaayon sa batas.”

--Ads--

Binatikos din ng Beijing ang Pilipinas dahil sa umano’y pagbaluktot sa mga pangyayari, pagsisi sa China at pagpapakalat ng maling impormasyon kaugnay ng insidente.

Muli ring iginiit ng China ang pag-aangkin nito sa Ayungin Shoal, na tinatawag nitong Ren’ai Jiao, at nanawagan sa Pilipinas na alisin ang BRP Sierra Madre na nakapuwesto sa lugar mula pa noong 1999.

Samantala, nauna nang kinondena ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ng Pilipinas ang umano’y mapanganib na aksyon ng China laban sa mga tauhan ng Philippine Navy sa Ayungin Shoal. Tinuligsa rin ng ilang mambabatas at opisyal ng gobyerno ang anila’y pagtatangkang ilarawan ng China ang sarili bilang biktima sa naturang insidente.