CAUAYAN CITY – Bahagyang naantala ang pagdating ng Composite team sa Palanan sa posibleng lokasyon ng nawawalang Piper Plane na may tail number na RP-C1234 dahil sa masamang lagay ng panahon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Incident Management Team Joshua Hapinat sinabi niya na naging dagdag pahirap sa composite team at rescuers na marating ang Sitio Lucban Didian, Palanan, Isabela ang masamang lagay ng panahon na sinabayan pa ng pag-ulan sanhi para mas maging madulas at maputik ang matatarik na parte ng daan.
Naging dahilan kasi ito para magkaroon ng bahagyang pagtaas sa antas ng tubig sa ilog.
Puntirya ng Composite team na marating ang posibleng lokasyon ng eroplano 14.4 kilometro ang layo mula sa Sitio Lucban.
Maliban sa rescuers sa Didian, Palanan ay kumikilos na rin ang composite team para sa ground search sa Barangay Casala, San Mariano Isabela.
Positibo ang Incident Management Team na magiging mabilis ang paghahanap sa nawawalang Piper plane dahil hindi nag iba ng ruta ang piloto at sinundan parin ang usual track patungong Palanan, Isabela hindi tulad sa naunang nawalang Cessna 206.
Naantala rin ang gagawin sanang aerial Search dahil sa masamang lagay ng panahon.
Nakatakda rin sanang dumating dito sa Lunsod ng Cauayan ang Chopper ng Tactical Operations Group 2 subalit hindi nakarating dahil sa pag-ulan at kasalukuyang nanatili sa NolCom headquarters sa Tarlac.











