Ibinahagi ni Vice President Sara Duterte na posible umanong makakuha ng gun-for-hire sa Pilipinas sa halagang ₱5,000 bilang halimbawa ng aniya’y laganap na gun violence sa bansa.
Sa kanyang talumpati sa “Free Duterte Now” rally sa labas ng International Criminal Court (ICC) nitong Miyerkules, Hulyo 29, gumamit ang Bise Presidente ng isang hypothetical na sitwasyon na kinasasangkutan ng kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio upang ipaliwanag ang kanyang punto.
Ayon kay Duterte, kung sakaling magkaroon umano ng kabit ang kanyang asawa, maaari siyang umanong umupa ng gunman sa halagang ₱5,000 upang ipapatay ang naturang babae.
Ginamit ng Bise Presidente ang naturang halimbawa upang igiit na seryosong suliranin ang gun violence sa Pilipinas at iniuugnay niya ito sa usapin ng extrajudicial killings o EJK.
Patuloy pa naming hinihintay ang karagdagang pahayag o paglilinaw mula sa kampo ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng kanyang naging pahayag.











