--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagtala ang Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City ng pinakamababang kaso ng COVID-19 patients kahapon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Glenn Matthew Baggao, Medical Center Chief ng CVMC na mayroon na lamang silang tatlong confirmed COVID-19 patients na mula sa mga bayan ng Aurora, San Mariano at San Manuel sa Isabela.

Sinabi ni Dr. Baggao na wala na rin silang mga pasyente na galing sa Tuguegarao City at Cagayan maging sa iba pang bahagi ng Region 2 at mga kalapit na lalawigan ng Apayao at Kalinga.

Ang pasyente namang galing sa Batanes ay naka-recover at naka-uwi na.

--Ads--

Sinabi pa ni Dr. Baggao na mula noong nagkaroon ng bakuna ay nagsimula na ring bumaba ang pasyenteng may COVID-19 habang karamihan sa mga kinapitan ng virus ay bakunado kaya naging mild symptoms lamang ang kanilang naranasan at  madaling naka-recover.

Ang tatlong confirmed case na naka-confine sa CVMC ay  bakunado na at may commorbidities kaya mahigpit na binabantayan ng mga manggagamot.

Maganda naman ang kanilang kalagayan at maaaring makakalabas na sila bukas, araw ng Sabado.

Samantala, inihayag ni Dr. Baggao na bukas din sila sa mga kinapitan ng COVID-19 na magdonate ng plasma ngunit hindi mandatory.

Sinabi pa ni Dr. Baggao na mababa sa isang daan o 96 ang dinalang specimen na mula sa rehiyon ng Cordillera at Region 2  sa molecular laboratory ng CVMC kahapon.

Inihayag pa ni Dr. Baggao na dahil sa pagbaba na ng kaso ng COVID-19, ang 150 rooms na na-convert na isolation para sa mga COVID-19 patients ay inaayos na para may magamit ng mga non COVID-19 patients.

Maging ang mga nurses na nakalataga sa dating isolation rooms ay ibinalik na sa kanilang original assignment sa non COVID-19 area.