--Ads--

CAUAYAN CITY – Wala pang naitatalang kaso ng sakit na Pertussis ang Cagayan Valley Medical Center o CVMC.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Glenn Matthew Baggao, chief ng Cagayan Valley Medical Center o CVMC sinabi niya hanggang sa ngayon ay wala pa silang naitatalang kaso ng sakit na pertussis.

Matatandaang inihayag ng Department of Health o DOH na tumaas ang kaso ng Pertussis sa halos sampung rehiyon sa bansa.

Sinabi ni DOH Undersecretary Eric Tayag na maliban sa National Capital Region (NCR) ay dumarami rin ang kaso sa CALABARZON, at Central Visayas.

--Ads--

Nasa kabuuang 453 na ang naitalang kaso ng pertussis sa bansa ngayong taon, kung saan 38 ay mula sa Metro Manila.

Umaasa naman si Dr. Baggao na hindi na makakapasok sa rehiyon ang nasabing sakit.

Pinayuhan naman niya ang publiko patungkol sa sakit na pertussis.

Ang Pertussis ay isang uri ng impeksyong dulot ng Bordetella Pertussis bacteria at kilala rin bilang “whooping cough” dahil sa matinding ubo na dulot nito.

Pinayuhan din niya ang mga magulang dahil delikado ito para sa mga sanggol, lalo na sa mga nasa edad na 0 – 6 months.

Maiging mabakunahan ang mga sanggol bilang pinakamabisang proteksyon laban sa Pertussis.

Aniya sundin ang schedule ng DTP vaccination at huwag kalimutang pabakunahan ang mga sanggol simula sa edad na anim na linggo.

Magsuot ng mask sa mga lugar na maraming tao, laging maghugas ng kamay o gumamit ng hand sanitizer at iwasang lumapit sa taong may pertussis.

Pinaalalahanan din niya ang mga Rural Health Units na laging magpaalala sa publiko kaugnay sa nasabing sakit upang magkaroon ng kaalaman ang publiko lalo na ngayong kumakalat ito sa ibang rehiyon.