Iniulat ng Department of Agriculture (DA) na may natuklasang mga posibleng kaso ng maling paglalabel ng bigas sa ilang pangunahing pamilihan sa bansa matapos magsagawa ng monitoring ang Bureau of Plant Industry (BPI). Ayon sa ahensya, may indikasyong ang ilang imported na bigas ay maaaring ipinapasa bilang mas mahal na lokal na produkto upang mapakinabangan ang agwat ng presyo sa merkado.
Sa ulat na isinumite noong Hunyo 11 sa Inspectorate and Enforcement Service at Legal Service ng DA, ibinahagi ng Plant Product Safety Services Division ng BPI ang resulta ng pagsusuri sa anim na sample ng milled rice na kinuha mula sa Cogon Market sa Cagayan de Oro City at Commonwealth Market sa Quezon City. Nilagdaan ang ulat ni BPI Director Gerald Glenn Panganiban.
Batay sa pagsusuri gamit ang Philippine National Standard (PNS/BAFS 290:2025) para sa grading at classification ng bigas, kasama ang statistical origin profiling, may natukoy na ilang hindi pagkakatugma sa pagitan ng idineklarang pinagmulan ng mga sample at ng aktuwal na resulta ng pagsusuri. Nagpapahiwatig ito ng posibleng maling representasyon sa paglalabel ng bigas.
Sa anim na sample na sinuri, tatlo ang napatunayang tumutugma sa kanilang idineklarang lokal na pinagmulan. Gayunpaman, isang sample na nakalabel bilang lokal na bigas ang nagpakita ng mga katangiang mas kahalintulad ng imported na bigas ayon sa classification model, na nagpapataas ng pangamba sa posibleng pagpapalit o muling paglalabel ng produkto sa supply chain.
Samantala, ang dalawang sample ng imported na bigas mula sa Commonwealth Market ay wastong natukoy bilang imported at nauri bilang Premium at Grade 1. Ipinapakita nito ang mas mataas na pagsunod sa mga itinakdang pamantayan sa kalidad ng paggiling, partikular sa mababang bilang ng basag na butil.
Ayon sa BPI, ipinakikita ng mga natuklasan ang lumalaking agwat sa kalidad at presyo ng lokal at imported na bigas. Dahil karaniwang mas mura ang imported na bigas sa wholesale market, may posibilidad na ito ay nire-repack o maling nilalabel bilang lokal na bigas upang maibenta sa mas mataas na presyo at mapakinabangan ang kagustuhan ng mga mamimili sa mga lokal na produkto.
Binigyang-diin din ng ahensya ang pangangailangan para sa mas mahigpit na pagpapatupad ng mga regulasyon sa paglalabel, pagpapalakas ng traceability system, at mas masusing pagbabantay sa merkado upang maprotektahan ang mga mamimili laban sa mapanlinlang na gawain sa kalakalan.
Nanawagan naman si Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. ng mas malalim na beripikasyon at karagdagang pagsusuri upang matiyak ang proteksyon ng interes ng mga mamimili sa harap ng mga natutuklasang iregularidad sa kalakalan ng bigas.
Inirekomenda rin sa ulat ng BPI ang pagpapaigting ng traceability checks, masusing beripikasyon ng mga deklarasyon ng pinagmulan ng bigas, at mas mahigpit na pagsubaybay sa pagsunod sa mga pamantayan sa grading at paglalabel sa mga pamilihan.











