--Ads--

CAUAYAN CITY – Nakatakdang mamahagi sa mga susunod na linggo ang Kagawaran ng pagsasaka ng tulong pinansiyal sa mga backyard hog raiser na naapektuhan ng African Swine Fever o ASF noong 2023.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Remedios Dela Rosa, Chief ng Regulatory Division ng DA Region 2, sinabi niya na sisimulang ipamahagi ang assistance sa susunod na linggo bago matapos ang buwan ng Abril.

Aniya, hiniling nila sa mga local government unit na kunin ang listahan ng lahat ng mga hog raisers na naapektuhan ng African Swine Fever at naisailalim sa culling ang kanilang mga alagang baboy at isinumite nila sa DA central Office.

Nilinaw niya na sakop sa ipapamahaging ayuda ang mga magsasaka o hog raisers na hindi pa nakakatanggap ng ayuda at hindi nakapagpa-insure sa Philippine Crop Insurance Corporation o PCIC.

--Ads--

Muli niyang binigyang diin na ang mga nasa listahan ay galing sa mismong tanggapan ng Provincial Veterinary Office.

Ang mga nabanggit na magsasaka o hog risers ay nagreport sa DA o Provincial Veterenary office kaya nakunan ng blood samples ang kanilang mga alagang baboy bago isinailalim sa culling.

Sa kabuuan ay umabot sa 2 million 195 thousand pesos  ang hiniling nilang pondo para sa ipapamahaging ayuda subalit partial pa lamang ang kanilang natatanggap na nagkakahalaga ng 1 million 235,000 pesos.

Ang naturang halaga ay ipapamahagi sa tatlumpu’t walong na farmers o hog raisers at lima sa kanila ay mula sa Cagayan, dalawampu’t anim sa Isabela at pito sa Quirino.

Ang pinamataas ay 17 heads na culled na nagkakahalaga ng 80,000 pesos.

Ayon kay Dela rosa, sa pamamagitan ng pamamahagi nila ng ayuda ay makakatulong na makabawi ang mga hog raisers na nakaranas ng pagkalugi dahil sa ASF at makakatulong din sa food security.