--Ads--

Nagdulot ng kalituhan sa ilang tricycle drivers ang umano’y dagdag na requirements para sa ayuda na ipinamamahagi sa kanilang sektor sa Echague, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo, ibinahagi ni Alyas “Dan,” isang tricycle driver na residente ng Jones, Isabela ngunit namamasada sa Echague, na hindi niya nakita ang kanyang pangalan sa listahan ng mga benepisyaryo na inilabas kamakailan.

Aniya, matagal na umano nilang naririnig na kinakailangan nilang magsumite ng ID na may address sa Echague at kumuha ng voter certification mula sa Commission on Elections bilang patunay ng paninirahan.

Aniya, nahihirapan silang tugunan ang naturang requirement dahil hindi naman sila residente ng Echague.

--Ads--

Dagdag pa niya, ipinaabot umano sa kanila ang naturang impormasyon sa pamamagitan ng kanilang federation, na sinasabing ito rin ang naging paalala mula sa Department of Social Welfare and Development na siyang ahensyang namamahala sa pamamahagi ng P5,000 ayuda para sa mga tricycle drivers.

Gayunman, nilinaw ni Dan na hindi direkta mula sa lokal na pamahalaan ang naturang abiso kundi mula lamang sa kanilang samahan.

Aminado rin siya na may ilang kasamahan niyang hindi residente ng Echague ngunit nakasama sa listahan matapos umano silang makakuha ng voter certification. Sa kanyang kaso, hindi na siya kumuha nito dahil naniniwala siyang sapat na ang kanyang driver’s license kahit naka-address ito sa Jones.

Sa ngayon, wala pa umano siyang naririnig na kapwa niya non-resident driver na nakatanggap ng ayuda nang hindi sumusunod sa nasabing requirement.

Nanawagan naman si Dan sa mga kinauukulan na tiyaking patas at malinaw ang pagpapatupad ng programa upang maiwasan ang kalituhan at hindi masayang ang tulong na para sa mga drayber.

Kaugnay nito nilinaw ng Department of Social Welfare and Development na hindi kinakailangan ang voter certification para sa mga benepisyaryo ng programa.

Ayon sa ahensya, malinaw sa kanilang abiso na ang kailangan lamang ay original copy ng driver’s license at dalawang photocopy nito. Hindi na rin hinahanap ang voter certification o anumang patunay ng voter registration.

Dagdag pa ng DSWD, hinihikayat na lamang ang mga benepisyaryo na magparehistro sa national ID o BBM ID system, ngunit hindi ito kapalit o dagdag na requirement para makakuha ng ayuda.

Tiniyak din ng ahensya na ang mga tricycle driver na may prangkisa sa isang lugar ay maaari pa ring makatanggap ng ayuda kahit hindi sila residente roon, basta’t sila ay rehistrado at aktwal na namamasada sa nasabing lugar.

Ibig sabihin, kahit residente ng Jones ang isang driver ngunit may prangkisa at bumibiyahe sa Echague, maaari pa rin siyang maging benepisyaryo nang hindi na kinakailangang kumuha ng voter certification.

Samantala, patuloy ang pamamahagi ng ayuda para sa mga tricycle drivers sa lalawigan ng Isabela bagama’t may ilang lugar pa ang kasalukuyang hinihintay ang kompletong requirements at pondo.

Batay sa pinakahuling datos noong Abril 30, umabot na sa 45,616 na benepisyaryo sa mga munisipalidad ang naitalang kwalipikado para sa programa. Sa bilang na ito, 34,583 na ang nabigyan, na may kabuuang disbursement na umaabot sa 172,915 milyong piso, o katumbas ng 75.81% payout rate.

Nasa 11,032 benepisyaryo pa ang hindi pa nababayaran. Sa kabuuang 85 Local Government Units o LGUs, 74 na ang natapos na sa payout, habang ang natitirang labing isa ay inaasahang makukumpleto ngayong buwan ng Mayo, kasabay ng pagproseso ng kakulangan sa pondo at dokumento.