Nasawi ang isang 23-anyos na babae matapos bumangga ang minamaneho nitong motorsiklo sa isang van sa kahabaan ng Provincial Road sa Barangay Sta. Luciana, Cauayan City, bandang alas-10:30 kagabi, Oktubre 27.
Kinilala ang biktima na si Jessica Ancheta, residente ng Barangay San Antonio, Cauayan City, at driver ng Yamaha Mio Sporty.
Batay sa ulat ng Cauayan City Police Station, minamaneho ni Ancheta ang kanyang motorsiklo patungong silangang bahagi ng Sta. Luciana Proper, habang kasalubong naman nito ang Mitsubishi L300 van na minamaneho ni Kim Gerald Esguerra, 32-anyos, residente rin ng Barangay San Antonio.
Sa inisyal na imbestigasyon, parehong binabagtas ng dalawang sasakyan ang magkabilang direksyon ng kalsada nang mawalan ng kontrol si Ancheta matapos umanong bumilis ang takbo ng kaniyang motorsiklo sa paakyat na bahagi ng kalsada dahilan upang bumangga sa paparating na van sa kabilang linya.
Nagtamo ng malubhang pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Ancheta na agad isinugod sa pagamutan ng Rescue 922, ngunit idineklarang dead on arrival ng kaniyang attending physician.
Parehong nagtamo ng pinsala ang dalawang sasakyan habang patuloy na isinasagawa ng pulisya ang imbestigasyon.
Ang driver ng L300 van ay nasa kustodiya ng Cauayan City Police Station at nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Property.
Home Police Report
Dalaga, nasawi matapos sumalpok sa kasalubong na van ang sinasakyang motorsiklo
--Ads--











