CAUAYAN CITY – Binawian na ng buhay ang isang dalagita na isa sa 28 na nasugatan sa pagbaliktad noong Linggo ng isang overloaded na elf truck sa Sitio Buduan barangay San Pablo, Cauayan City.
Ang nasawi ay si Tina Joy Tejada, 14 anyos at residente ng Cauayan City.
Naunang sinabi ng ama ng biktima na si Ginoong Alberto Tejada na tinaningan ng doktor ang buhay ng kanyang anak dahil sa mga malubhang sugat sa katawan.
Magugunita na 28 na pasahero ang nasugatan sa pagbaliktad ng passenger truck na patungo sa Linglingay, Gamu, Isabela dakong alas dos ng hapon noong araw ng Linggo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ng tsuper na si German Tagata, residente ng Linglingay, Gamu, Isabela na labis siyang nagsisisi sa nangyaring aksidente dahil overloading ang truck kaya nahirapan sa paakyat at pakurbang bahagi ng daan malapit sa Buduan bridge.
Si Tagata ay nasa pangangalaga ngayon ng Cauayan City Police Station at unang sinampahan ng kasong Reckless imprudence resulting in multiple serious physical injuries.
Isusunod na isasampa laban sa kanya ang kasong Reckless imprudence resulting in homicide dahil sa pagkamatay ni Tejada.