
CAUAYAN CITY – Natagpuan sa magkahiwalay na bahagi ng Cagayan river sa lunsod ng Cauayan ang bangkay ng dalawa sa tatlong mag-aaral na nalunod kahapon sa Baringin Norte, Cauayan City.
Ayon sa Rescue 922, narekober dakong 11:49 kagabi sa Alicaocao, Cauayan City ang katawan ni Precious Calati, 12-anyos, residente ng Labinab, Cauayan City habang ang katawan ni Nerry Domingo, 15-anyos na residente ng Duminit, Cauayan City ay narekober dakong 6:29 kaninang umaga sa Guayabal, Cauayan City.
Maaga namang ipinagpatuloy ng search and rescue team ng Rescue 922 katuwang ang mga Brgy. Officials at Airforce ang retrieval operation sa katawan ng isa pang biktima na si Jessa Ballad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Jordan Mallillin ng Baringin Norte, Cauayan City, sinabi niya na simula kahapon ay hindi sila tumigil sa paghahanap sa mga biktima.
Nakipag ugnayan sila sa mga kalapit na barangay para tumulong habang nag iikot ang search and rescue team na nasa ilog.
Matatandaan na kahapon ang tatlong biktima kasama ang dalawa pa na sina Joylyn Taguinod, 13-anyos at Crismark Taguinod, 15-anyos ay naligo sa ilog na nasasakupan ng barangay Baringin Norte.
Ang hinala ng mga opisyal ng Barangay ay nagtulungan ang mga biktima para mailigtas ang isa’t isa subalit nauwi ito sa pagkakalunod nilang tatlo.
Madalas naman umanong may mga tao sa gilid ng naturang ilog subalit dahil malakas ang ulan kahapon ay walang nakapansin sa kanila na naliligo habang mataas ang antas ng tubig.










