Nananawagan ng kooperasyon sa publiko ang pulisya kasunod ng pagkakaaresto sa isang lalaki na dati umanong empleyado ng isang pribadong kumpanya, matapos isilbi ang warrant of arrest laban dito kaugnay ng kasong carnapping sa isinagawang operasyon sa Santiago City.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Torra,” 29-anyos.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Stephen Carandang, operations officer ng Police Station 4, sinabi nito na nag-ugat ang kaso sa reklamo ng isang pribadong kumpanya laban sa suspek.
Ayon kay Carandang, hindi umano naibalik ng suspek ang motorsiklong ipinagkatiwala sa kanya habang siya ay empleyado pa ng naturang kumpanya.
Ilang ulit umanong nakipag-ugnayan ang pamunuan sa suspek upang isauli ang sasakyan, subalit hindi ito nakipagtulungan at hindi na rin nagpakita, dahilan upang magsampa ng kasong carnapping ang kumpanya.
Isinilbi ang warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court sa pamamagitan ng pinagsamang operasyon ng Police Station 4, Mobile Patrol Unit, at City Intelligence Unit ng Santiago City Police Office.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng pulisya ang akusado para sa kaukulang disposisyon ng korte, habang itinakda ang piyansang nagkakahalaga ng 300,000 pesos para sa kanyang pansamantalang kalayaan.










