Hinatulang makulong ng 25 taon ng International Criminal Court o ICC si dating Kosovo President Hashim Thaci matapos itong mapatunayang guilty sa mga kasong war crimes.
Sa ginanap na pagdinig, nahatulan ang 58-anyos na dating lider dahil sa mga krimeng naganap noong independence war ng Kosovo laban sa Serbia noong 1990s.
Sa nasabing giyera, mahigit 10,000 katao ang nasawi.
Inilabas ang hatol matapos ang tatlong taong paglilitis sa mga kasong kinabibilangan ng murder, illegal arrests, torture at cruel treatment, kabilang ang ilang alegasyon laban kay Thaci na hindi naman napatunayan.
Si Thaci ay co-founder at commander ng Kosovo Liberation Army o KLA, ang militanteng grupong lumaban para sa kalayaan ng Kosovo at itinuturing na bayani ng ilan sa bansa.
Inakusahan siya ng pagpatay sa nasa 100 katao at pagkakasangkot sa pagkawala ng ilang indibidwal.
Kasama rin ni Thaci na nahatulan ang tatlo pang dating commander ng KLA.
Itinatag ang Kosovo Liberation Army noong dekada 1990 bilang militanteng grupo ng mga ethnic Albanian na lumaban para sa kalayaan ng Kosovo mula sa pamamahala ng Serbia.
Naging unang Prime Minister ng Kosovo si Thaci matapos ideklara ng bansa ang independence nito noong 2008. Naging pangulo rin siya ng Kosovo ngunit nagbitiw sa puwesto noong 2020 upang harapin ang mga kasong isinampa laban sa kaniya sa The Hague.









