Mananatili muna sa Cardinal Santos Medical Center si Leyte Representative at dating House Speaker Martin Romualdez habang pinagdedesisyunan pa ng Sandiganbayan Third Division ang kanyang mosyon na manatili sa ospital dahil sa mga iniindang sakit sa puso at utak.
Ayon kay Sandiganbayan Third Division Clerk of Court Atty. Dennis Pulma, mananatili ang confinement ni Romualdez sa ospital hanggang sa magkaroon ng panibagong kautusan ang korte.
Bagama’t nasa kustodiya na ng Bureau of Jail Management and Penology o BJMP si Romualdez matapos maglabas ng commitment order ang korte para sa New Quezon City Jail sa Payatas, BJMP personnel ang magsisilbing pangunahing custodian niya.
Maaari namang humingi ng assistance ang BJMP sa PNP-CIDG para sa seguridad ni Romualdez. Nakaiskedyul sa Biyernes ang ikalawang araw ng pagdinig sa kanyang mosyon para sa hospital detention.
Nahaharap si Romualdez sa P7.4-bilyong plunder case kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects, kung saan inaakusahan siyang tumanggap ng kickbacks mula kay dating House appropriations chairperson Zaldy Co.










