--Ads--

CAUAYAN CITY – Nakapagrelease na ng pondo ang Department of Budget and Management o DBM para sa Health Emergency Allowance ng mga health workers.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Jao Clumia, presidente ng St. Lukes Medical Center Employees Association na sa nagdaang araw ay naglabas ng 91 bilyon pesos na pondo ang DBM alinsunod sa hiling ng Department of Health o DOH.

Hindi pa aniya maibigay ng DOH ang data base na hinihingi ng DBM para malaman kung ilan pa ang hindi nakakatanggap ng kanilang Health Emergency Allowance kaya ang inilabas nilang pondo ay nakabatay sa hiling ng Department of Health.

Giit ni Clumia, hindi pa rin ito sapat dahil marami pang health workers sa iba’t ibang panig ng bansa ang hindi nakakatanggap ng kanilang Health Emergency Allowance.

--Ads--

Aniya, kapag natanggap na ng DOH ang naturang pondo ay ipapamahagi pa ito sa mga rehiyon at sa susunod na linggo ay posibleng matanggap na ito ng mga health workers na hindi pa nakakatanggap.

Nagpapasalamat na lamang sila sa lahat ng naging daan dahil unti-unti ay napapakinggan na ang matagal na nilang panawagan na maibigay na ang Health Emergency Allowance ng mga health workers.