--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagsama-sama ang mga opisyal ng Department of Agriculture sa iba’t-ibang rehiyon upang pag-usapan ang iba’t ibang problema sa pagsasaka.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Roberto Busania, Regional Technical Director for Operations and Extension ng DA Region 2 sinabi niya na batay sa isinagawang assessment ng mga Executive Directors ng 15 regional offices ng DA sa bansa ay nalaman ang mga interbensyon na isinagawa ng kagawaran upang tulungan ang produksyon ng mga magsasaka sa bigas.

Malaki aniya ang naitulong ng kanilang ipinamahaging binhi at pataba sa mga magsasaka at sa ngayon ay isa ang Region 2 sa may pinakamaraming naisusuplay na bigas sa ibang rehiyon pangunahin na sa Metro Manila.

Sa ngayon ay pinag-aaralan na ng DA kung paano mapaliit ang gastos sa pagsasaka at kung paano mapataas ang produksyon ng bigas gamit ang mga makabagong teknolohiya.

--Ads--

Umabot na aniya sa 767 milyon pesos ang production loss sa bigas pa lamang habang sa mais ay umabot na sa 1.66 bilyon pesos ang value loss.

Maging sa high value crops ay malaki na rin ang production loss na umabot na sa 212 milyon pesos.

Makakaapekto naman ito sa yield performance sa 2nd quarter ng 2024 na binabantayan ngayon ng DA dahil kapag mababa ang yield performance ay kailangan ng bansa ang pag-iimport ng bigas upang ipantustos sa bawat rehiyon na magkukulang ng suplay.

Maliban sa bigas ay tinututukan din nila ang suplay ng gulay lalo na ngayong susunod na cropping season.