--Ads--

‎Pitong indibidwal ang inaresto ng mga operatiba ng Cauayan City Police Station matapos maaktuhang nagsusugal sa isinagawang operasyon sa Barangay District 1, Cauayan City, kahapon, Hunyo 14.

‎Batay sa ulat ng pulisya, naganap ang operasyon dakong alas-4 ng hapon malapit sa isang water refilling station sa lugar matapos makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa umano’y ilegal na pagsusugal sa nasabing lugar.

‎Agad na rumesponde ang mga pulis upang beripikahin ang ulat at nadatnan ang mga suspek na naglalaro ng baraha habang may nakataya umanong pera.

‎Nakumpiska mula sa mga naaresto ang mga baraha at perang nagkakahalaga ng P144 na hinihinalang ginamit bilang bet money.

--Ads--

‎Dinala sa himpilan ng pulisya ang mga suspek kasama ang mga nakuhang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon at imbestigasyon.

‎Mahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 o ang Anti-Illegal Gambling Law.