--Ads--

Nilinaw ng isang constitutional law expert na hindi awtomatikong magiging unconstitutional ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte sakaling magkaroon ng pagbabago sa liderato ng Senado o iba pang isyung may kaugnayan sa komposisyon ng impeachment court.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Michael Henry Yusingco, sinabi nito na nakasaad sa Saligang Batas na kinakailangan ang boto ng dalawang-katlo o two-thirds ng mga senador na kalahok sa paglilitis upang mahatulan ang isang opisyal sa impeachment case.

Ayon kay Atty. Yusingco, bagamat may mga interpretasyon hinggil sa bilang ng kinakailangang boto, nananatiling laganap ang pananaw na 16 na boto ng mga senador ang kailangan upang magkaroon ng conviction.

Lumitaw aniya ang usapin matapos mabanggit na may mga senador na maaaring hindi makalahok sa paglilitis dahil sa iba’t ibang dahilan, kabilang ang posibilidad na may ilang mambabatas na maharap sa kaso at makulong.

--Ads--

Ipinaliwanag ng legal expert na kung sakaling mabawasan nang malaki ang bilang ng mga senador na makakadalo sa impeachment trial at hindi na maabot ang 16 na boto, magiging mahirap ang pagkakaroon ng conviction kahit pa pabor dito ang lahat ng natitirang senador.

Dahil dito, sinabi ni Atty. Yusingco na maaaring mauwi ang sitwasyon sa isang “mistrial” o paglilitis na hindi makapaglalabas ng pinal na hatol, na sa praktikal na epekto ay walang magiging pananagutan ang inirereklamong opisyal sa ilalim ng impeachment proceedings.

Kaugnay naman ng mungkahi ni Senador Ping Lacson na maaaring humingi ng leave of court sa Sandiganbayan upang payagang dumalo sa impeachment trial ang mga senador na posibleng nakakulong, sinabi ni Atty. Yusingco na maaari itong subukan ngunit nakasalalay pa rin ito sa pagpapasya ng hukuman.

Ayon sa kanya, kakailanganing maghanap ng matibay na legal na batayan ang Sandiganbayan upang pahintulutan ang naturang kahilingan.

Samantala, nilinaw rin niya na hindi niya nakikitang maidedeklarang unconstitutional ang impeachment trial dahil lamang sa mga usapin sa liderato ng Senado.

Aniya, ang pangunahing maaaring maging isyu ay kung sino ang kikilalaning presiding officer ng impeachment court, subalit hindi nito awtomatikong mapipigilan ang pagpapatuloy ng paglilitis.

Sinabi rin ni Atty. Yusingco na sa kasalukuyan ay mas kinikilala umano ng maraming senador ang grupo ni Senador Win Gatchalian, habang hindi na gaanong binibigyang pansin ang mga hakbang ni Senador Alan Peter Cayetano kaugnay ng usapin sa liderato ng Senado.