--Ads--

Nagpaalala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) Santiago City sa lahat ng pampublikong lingkod na mahigpit na ipinatutupad ang Anti-Epal Policy, partikular sa paggamit ng pangalan, larawan, at iba pang anyo ng personal na promosyon sa mga proyekto at programang pinondohan ng pamahalaan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Von Louie Cayaba, Local Government Operations Officer III ng DILG Santiago City, sinabi niyang layunin ng naturang polisiya na matiyak na ang mga proyekto ng gobyerno ay hindi nagagamit para sa pansariling interes o personal na pagpapapogi ng sinumang opisyal o kawani ng pamahalaan.

Binigyang-diin ni Cayaba na ang lahat ng tarpaulin, information boards, at iba pang Information, Education and Communication (IEC) materials ay dapat maglaman lamang ng pangalan at logo ng ahensiya, at hindi ng pangalan o larawan ng sinumang opisyal.

Aniya, patuloy ang mahigpit na monitoring ng kanilang tanggapan upang masiguro ang pagsunod ng mga lokal na opisyal at kawani sa umiiral na polisiya.

--Ads--