--Ads--

Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang hindi pa nakikilalang driver ng isang asul na SUV na nakabangga ng kolong-kolong, at motorsiklo nitong gabi ng Pebrero katorse sa Barangay Caloocan, Santiago City.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Traffic Enforcement Unit, batay sa kanilang inisyal na pagsisiyasat, binabagtas umano ng sasakyan ang Provincial Road patungong City Proper nang mabangga nito ang kolong-kolong na nakaparada sa kanang shoulder lane ng kalsada.

Nadamay rin sa insidente ang isa pang motorsiklo na pansamantalang nakahinto malapit sa kolong-kolong dahilan upang magtamo ng sugat ang  isa sa mga lulan nito na si alyas “Ann,” bente sais-anyos, residente ng Caloocan, Santiago City subalit tumanggi na itong magpadala sa pagamutan.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang ginagawang pagsisiyasat ng mga kapulisan hinggil sa insidente upang matukoy ang pagkakakilanlan ng tumakas na driver ng nakabanggang SUV.

--Ads--