--Ads--

Pinaghahandaan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 ang nalalapit na tag-ulan at pagpasok ng mga bagyo sa rehiyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Lucia Alan, sinabi niya na nakapag-preposition na ang ahensya ng mga food packs sa iba’t ibang local government units sa rehiyon upang agad na magamit sa oras ng sakuna.

Bukod dito, isinusulong din ng DSWD Region 2 ang pagtatayo ng mga bodega sa mga strategic locations kung saan ilalagak ang mga relief goods at iba pang ayuda. Layunin nito na mapabilis ang distribusyon ng tulong sa mga maaapektuhang komunidad kapag may kalamidad.

Sinabi ni RD Alan na mahalaga ang pagkakaroon ng maayos na imbakan at lokasyon ng mga relief goods upang agad itong maipamahagi sa mga nangangailangan.

--Ads--

Patuloy din ang isinasagawang pagsasanay ng ahensya sa mga personnel na namamahala sa evacuation centers at sa distribusyon ng ayuda upang mas maging efficient ang pagtugon sa mga emergency.

Kasabay nito, pinalalakas din ng DSWD ang pagpapatupad ng KALAHI-CIDSS KKB (Kapangyarihan at Kaunlaran sa Barangay), isang community-driven development program na nagbibigay ng direktang partisipasyon sa mga residente sa pagpili, pagpaplano, at pagpapatupad ng mga proyektong pangkaunlaran sa kanilang barangay.

Sa ilalim ng programa, nabibigyan ng pagkakataon ang mga komunidad na matukoy ang kanilang pinaka-prayoridad na pangangailangan tulad ng imprastraktura, kabuhayan, at serbisyong panlipunan, habang sinasanay din ang mga lokal na lider at residente sa tamang pamamahala ng proyekto at pondo.

Nanawagan naman si RD Alan sa mga LGU na tiyakin ang tama at napapanahong data reporting upang masiguro na walang maiiwang residente sa mga serbisyong ipatutupad ng ahensya, lalo na sa panahon ng kalamidad.