Patuloy ang ginagawang monitoring ng DTI sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa Lalawigan ng Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Mel Mari Angelo Laciste ang Trade and Industry Development Specialist at tagapagsalita ng DTI Isabela, sinabi niya na isa sa pangunahin nilang mandato ang mag monitor ng presyo sa mga pamilihan at groserya sa Lalawigan.
Batay sa kanilang monitoring ay wala namang nakitang major movement o adjustment sa presyo ng mga pangunahing bilihin na nangangahulugan na matatag ang supply sa Isabela.
Muli ay may paalala ang DTI sa price tag act na mahalaga dahil ito ang legal na basehan ng presyo ng commodities at dapat tiyakin ng mga groserya na sila ay may price tag.
Sakali man na magkaroon ng doble o magkaibang presyo ng price tag ang susundin dito ay ang mas mababang presyo na paborable para sa mga consumers.
Maliban sa prime commodities ay babantayan na rin nila ang bentahan ng murang bigas o ang 58 pesos Maximum Suggested Retail Price sa bigas na itinakda ng Kagawaran ng Pagsasaka.
Samantala, binigyang diin ng DTI Isabela ang karapatan ng mga consumer sa ligtas na produkto kaya naman paalala nila na bukas ang mga DTI Office sa pagsasampa ng reklamo kung sakaling maka encounter sila ng ganitong mga issue na makabili ng expired o depektibong produkto.
Maliban sa karapatan sa ligtas at dekalidad na produkto ay karapatan din ng customer na kunin o matanggap ang kanilang Official Receipt o resibo.