--Ads--

CAUAYAN CITY – Tiniyak ng Department of Trade and Industry o DTI Region 2 na wala pang naitalang pagtaas sa presyo ng mga bilihin sa Rehiyon sa kabila ng pananalasa ng bagyong Egay.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Assistant Regional Director Winston Singun ng DTI Region 2 sinabi niya na bago pa man manalasa ang bagyo ay nakapagsagawa na sila ng monitoring sa mga bilihin.

Aniya matapos ang bagyo ay agad silang nag ikot sa mga pamilihan at establisimiento upang matiyak na walang pagtaas sa mga presyo ng mga pangunahing bilihin.

Wala naman umanong ibang concern ang mga outlets o pamilihan sa pagbibiyahe ng mga produkto dahil agad na naisasaayos ang mga kalsada papasok sa rehiyon mula sa Maynila.

--Ads--

Ang tinututukan nila ngayon ay ang inaasahang pagpapatupad ng price freeze dahil a epekto ng bagyong Egay.

Una nang nagpatupad ng state of calamity ang bayan ng Sanchez Mira Cagayan.

Dahil dito kinakailangang magpalabas ang DTI ng prevailing prices ng mga pangunahing bilihin upang gagawing basehan ng mga negosyante para sa kanilang presyo.

Nanawagan naman ang DTI sa mga lokal na pamahalaan na I-activate ang kanilang mga coordinating council na makakatuwang ng DTI sa pagmonitor sa presyo ng mga bilihin sa merkado.

Nakikita naman ng departamento na magkakaroon ng paggalaw sa mga presyo ng mga agricultural products.

Kailangan namang tutukan ng departamento ang mga hardwares at industrial establishments dahil sila ang magsusuplay sa mga nasiraan ng mga bahay at iba pang imprastraktura sa pagdaan ng bagyong Egay.