--Ads--

Inaasahang hihina ang takbo ng ekonomiya ng Pilipinas sa 2026, ayon sa Organization for Economic Cooperation and Development (OECD), dahil sa tumataas na inflation, mahal na enerhiya, at lumalalang epekto ng pandaigdigang krisis na patuloy na nagpapabigat sa konsumo at pamumuhunan.

Ayon sa pinakahuling ulat ng OECD, inaasahang bababa sa 3.2% ang gross domestic product (GDP) growth ng Pilipinas sa 2026, bago muling bumawi sa 5% sa 2027. Mas mababa ito kumpara sa naunang pagtataya na 5.1% para sa 2026.

Dahil dito, posibleng maging isa ang Pilipinas sa may pinakamabagal na paglago ng ekonomiya sa Southeast Asia, kasunod ng Thailand na tinatayang 1.7% lamang ang paglago.

Ayon sa OECD, maaapektuhan ang konsumo ng mga mamimili dahil sa mataas na presyo ng bilihin at paghina ng purchasing power. Inaasahan ding patuloy na tataas ang inflation dahil sa mahal na enerhiya at paghina ng piso, na maaaring umabot sa 6.8% sa 2026.

--Ads--

Babala rin ng organisasyon na maaaring tumaas ang utang ng bansa at manatiling mataas ang interest rates, habang nananatiling hamon ang kakulangan sa enerhiya at pandaigdigang tensyon sa ekonomiya.

Dagdag pa rito, posibleng hindi maabot ng Pilipinas ang target na 5%–6% na growth ng gobyerno sa susunod na taon, dahil sa mabagal na pagbangon ng pamumuhunan at gastusin ng publiko.