--Ads--

Minsan nang nakalapag sa Cauayan City Domestic Airport ang private jet na pinagsakyan kay dating Pangulong Rodrigo Duterte patungong The Hague, Netherlands.

Ang Gulfstream G550 aircraft na nagdala kay Duterte sa The Netherlands para harapin sa International Criminal Court ang crimes against humanity na isinampa laban sa kaniya ay ang parehong eroplano na sinakyan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nang bumisita ito sa lalawigan ng Isabela noong ika-6 ng Marso 2025 dahil tugma ang tail number nito na RP-C5219.

Sa kuhang video noong March 6, 2025 sa Cauayan Domestic Airport ay makikita sina Pangulong Marcos kasama ang iba pang mga opisyal ng pamahalaan na bumababa sa naturang eroplano nang bumisita sila sa bumagsak na Cabagan-Sta. Maria Bridge. Una rito, lumabas sa flight history ng Gulfstream G550 na may tail number na RP-C5219 na galing ito sa Cauayan City at umalis patungong Manila dakong 12:03 ng tanghali ng nasabi ring petsa.

Sinikap naman ng Bombo Radyo Cauayan na hingan ng pahayag ang Civil Aviation Authority of the Philippines na nakabase sa Lungsod ng Cauayan ngunit hindi umano sila makakapaglabas ng anumang detalye ng nasabing eroplano.

--Ads--