Kinumpirma ng Iloilo International Airport na nagsagawa ng emergency landing ang isang eroplano ng Philippine Airlines na may flight PR 2544 (RP-C8619), na biyaheng Dumaguete patungong Maynila, bandang alas-4:30 ng hapon nitong Linggo, Abril 19.
Batay sa ulat ng pamunuan ng paliparan, nagkaroon ng kakulangan sa suplay ng oxygen sa loob ng cabin matapos maabot ng eroplano ang cruising altitude na 32,000 talampakan.
Sa inilabas na pahayag ng airport management, sinabi na kinailangang magsagawa ng agarang landing ang naturang flight matapos matukoy ang problema sa oxygen supply habang nasa himpapawid.
Ligtas namang nakalapag ang eroplano, subalit ilang pasahero ang agad na binigyan ng medikal na atensyon pagdating sa paliparan.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pinagmulan ng insidente upang matiyak ang kaligtasan ng mga susunod na biyahe at maiwasan ang kahalintulad na pangyayari.










