--Ads--

Inamin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may mga flood control project sa Bulacan na hindi naipatupad at posibleng nakadagdag sa matinding pagbaha sa Central Luzon.

Gayunman, sinabi ng Pangulo na hindi lamang problema sa flood control projects ang dahilan ng pagbaha, kundi maging ang matinding pag-ulan na iniuugnay sa climate change.

Ginawa ni Marcos ang pahayag matapos ang situation briefing sa Pampanga Provincial Capitol kaugnay ng epekto ng habagat sa Central Luzon.

Ayon sa Pangulo, hindi pa ganap na matukoy ang lawak ng pinsala sa mga lugar na nananatiling baha. Kailangan din aniyang isaalang-alang ang lagay ng panahon bago isagawa ang pagkukumpuni upang hindi agad masira ang mga proyekto.

--Ads--

Kabilang sa mga hakbang na pinag-aaralan ang dredging, paglilinis ng drainage, at pagtatayo ng flood gates at pumping stations sa Sabo Dam.

Para sa pangmatagalang solusyon, pinag-aaralan din ang mga dam project sa Nueva Ecija at pagtatayo ng tinatayang 100-kilometrong dike.

Tiniyak naman ni Marcos na patuloy na tutugunan ng pamahalaan ang pangangailangan ng mga residenteng apektado ng baha, kabilang ang pagkain, matutuluyan at medical supplies.