--Ads--

Bumagsak sa $210 milyon ang net inflows ng foreign direct investments (FDI) sa Pilipinas noong Mayo 2026, ang pinakamababang naitalang buwanang halaga sa loob ng mahigit 11 taon, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Mas mababa ito ng 64.7% kumpara sa naitala noong Mayo 2025. Dahil dito, umabot lamang sa $2.18 bilyon ang kabuuang FDI inflows mula Enero hanggang Mayo, mas mababa ng 33.4% kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Ayon sa BSP, pangunahing dahilan ng pagbaba ang paghina ng foreign investments sa debt instruments at reinvestment of earnings. Sinabi naman ng economic analyst na si Jonathan Ravelas na nananatiling maingat ang mga dayuhang mamumuhunan dahil sa geopolitical tensions, kawalan ng katiyakan sa kalakalan, at pabagu-bagong kalagayan ng pandaigdigang ekonomiya.

Sa kabila nito, iginiit ni Ravelas na hindi ito nangangahulugang nawawalan ng kumpiyansa ang mga investor sa Pilipinas, kundi nagiging mas mapili lamang sila sa kanilang mga pamumuhunan.

--Ads--