--Ads--

Nagbigay ng matinding pahayag si Iran Parliament Speaker Mohammad Bagher Ghalibaf matapos ang kanyang pagbabalik sa Iran mula sa Pakistan, kung saan pinamunuan niya ang negosasyon para sa peace talks sa pagitan ng Iran at Estados Unidos.

Bilang tugon sa mga naging pahayag ni U.S. President Donald Trump, iginiit ni Ghalibaf na walang epekto sa mga Iranian ang ganitong uri ng pagbabanta at hindi sila susuko dahil lamang dito.

Batay sa ulat ng mga Iranian outlet, sinabi niya na handa ang Iran na tumugon sa anumang hakbang ng Amerika: kung lalaban ang U.S., lalaban din sila, at kung makikipag-usap nang maayos, tutugon din sila sa paraang makatuwiran.

Binigyang-diin din niya na hindi kailanman magpapasakop ang Iran sa anumang uri ng pananakot at kung patuloy silang susubukin, mas matindi ang kanilang magiging tugon.

--Ads--

Idinagdag pa ni Ghalibaf na mula pa sa simula ay wala na talagang tiwala ang Tehran sa Estados Unidos, at dapat umano itong pagtrabahuhan ng Amerika lalo na matapos ang mga naunang pag-atake habang isinasagawa ang negosasyon.

Samantala, inihayag ni Trump sa kanyang Truth Social posts na magpapatupad ang Estados Unidos ng naval blockade sa Strait of Hormuz, at haharangin ang mga barkong umano’y nagbabayad ng “iligal na toll” sa Iran.

Sinabi rin niya na patuloy na babantayan at lilinisin ng U.S. ang mga daungan sa nasabing lugar upang matiyak ang ligtas na pagdaan ng kanilang mga kaalyadong barko.

Nauna nang inihayag ng U.S. military na handa silang magsagawa muli ng operasyon laban sa Iran sa tamang panahon, habang nananatiling walang kasunduan ang dalawang panig hinggil sa nuclear program ng Iran.