--Ads--

CAUAYAN CITY – Nanawagan si Gov. Manuel Mamba sa Sangguniang Panlalawigan ng Cagayan na isailalim na sa state of calamity ang lalawigan matapos ang pananalasa ng bagyong Egay.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gov. Mamba sinabi niya na malaki ang maitutulong nito upang makapaglabas ng pondo para sa pagrekober ng lalawigan mula sa idinulot ng Bagyo.

Tiniyak naman niya na kanila nang pinag-aaralan ang mga maibibigay na tulong sa mga mamamayang apektado ng bagyo pangunahin na ang mga magsasakang nasiraan ng pananim maging ang mga mangingisdang nasiraan ng mga fish cages.

Sinabi niya na malaki ang damage na naitala sa kanilang lalawigan sa pananalasa ng bagyong Egay.

--Ads--

Pinakaapektado ang mga magsasaka na nasira ang mga pananim sa naganap na pagbaha at ang dalang hangin ng bagyo.

Aniya pinag-aaralan nila ang pagbibigay ng mga libreng binhi pangunahin na ang mga fast crops o mga pananim na madaling anihin.

Kapag bumisita aniya ang pangulo sa kanilang lalawigan ay hihilingin niya mismo ang pagbibigay ng tulong sa mga magsasaka.

Maging ang mga materyales para sa pagpapatayo ng bahay sa mga nasiraan ng mga tirahan ay isa rin sa kanilang ikinukunsidera ngayon bagamat patuloy naman ang pakikipag ugnayan sa kanila ng ibat  ibang ahensya ng pamahalaan sa mga maaring ipamahaging tulong sa mga apektadong residente.

Umaasa naman ang Gobernador na hindi ma-dedelay ang mga tulong dahil lubhang kailangan ito ng mga residente ngayon.